Donnerstag, 17. September 2009

Ang Laban ni Ninoy noon, Laban din natin ngayon


Sa paggunita ng pagkakapaslang ng dating Senator Ninoy Aquino sa 21 Agosto, maglulunsad ng isang “cultural show” ang civil society. Ang nasabing concert, na lalakuhan ng mahigit 50 bandang Pinoy, ay isang aktibidad na dapat lamang lahukan ng lahat, sapagkat ito’y isang paraan upang maipakita natin ang ating pagka disgusto sa kasalukuyang kalagayan ng ating Inang Bayan.

Tunay nga, na ilang taon na rin ang nakalipas, (mahigit 25 na nga ba?) nang paslangin ng mga ahente ng rehimeng Marcos ang nagbabalik sanang senator Aquino. Matapos na mabasa ng kanyang dugo ang tarmac ng airport, tatlong taon ang lumipas bago tuluyang nagapi ng Sambayanang Pilipino ang diktador na si Macoy. Nanatili ang ningas ng sakripisyo ni Ninoy hanggang sa administrasyon ng kanyang asawa, ngunit, unti-unti itong nawawala sa paglipas ng panahon.

Mayroon pa bang kahulugan sa buhay ng Pinoy ang sakripisyo ni Ninoy? Naaalala pa kaya ng karamihan sa atin kung ano-ano ang mga tunay na kadahilanan bakit pinilit niyang bumalik sa Inang Bayan? Malinaw pa ba ang mga eksenang bumulaga sa atin sa kanyang pagbulagta noon sa tarmac?

Tulad ng nakagawian na, gugunitain ng mga television networks ang mga huling eksenang nilahukan ni Ninoy. Ipakikita duon ang mga kuha sa kanya ng isang batikang cameraman nang siya’y kunin ng mga AVSECOM na mag-ka-cut dun naman sa kuhang nakabulagta na siya’t walang buhay sa tarmac. Kung makapagsasalita lamang si Ninoy mula sa langit, ito kaya ang nais niyang paggunita sa kanya?

Mas nanaisin siguro ni Ninoy na ipakita ang naging bunga ng kanyang sakripisyo. Mas maganda siguro kung balikan natin ang mga eksenang kung saan halos isang milyong Pinoy ang nagpunta sa EDSA pagkatapos ng tatlong taon, para kilalanin ang kanyang sakripisyo.

Maganda sigurong ipakita na umusbong ang Bagong Pinoy mula sa dugong ibinuwis ni Ninoy at iba pang mga bayaning Bayan maitaguyod lamang ang demokrasya sa ating bayan.

Sa 21 Agosto, gugunitain sa isang concert ng mga banda ang pagkamatay ni Ninoy. Siguro, liban sa pagsasayang kultural, huwag sanang kalimutan ng mga organizers ang pagpapaliwanag sa kahalagahan ng sakripisyo ni Ninoy.

Namulat tayo dahil kay Ninoy at sa mga bayani ng bayan na ibinuwis ang kanilang buhay alang-alang sa kalayaan.

Nagising tayo dahil kay Ninoy at sa mga bayani ng bayan na nakibaka sa larangang giyera alang-alang sa kapayapaan.

Nag-alsa tayo dahil kay Ninoy at sa mga bayani ng bayan na isinakripisyo ang kanilang kinabukasan upang manumbalik ang katarungan.

Ngayong nagsusumidhi ang kabulukan, ang korupsyon, ang kawalang hiyaan ng ating mga tinatawag na lider ng bayan,

Ngayong binubusabos tayo ng mga mandaraya dahilan sa ating kawalang ganang kumilos.

Ngayong ninanakawan tayo ng harap-harapan ng mga nagpapakilalang lider ng bayan,

Ngayong tila pinapatay tayo dahil sa mga polisiyang maka-sarili ng mga galamay ni Gloria,
kailangan pa ba natin ng isang Ninoy para tao mamulat?

Kailangan pa ba ng ilang giyerang pamumunuan ng mga bayani ng bayan para makamit ang kapayapaan?

Kailangan pa ba ng isang Ninoy upang maharap natin ang maladambuhalang kampon ng demonyo sa pangunguna ng isang demonyitang sanggol para sa panunumbalik ng katarungan?

Hindi na. Sa kamulatan natin sa mga kaganapan, sa ating nadadanasang hirap bunsod ng katiwalian, kabastusan, at kawalang kahiyaan nina Gloria, kanyang pamilya sampu ng kanilang mga galamay, hindi natin kailangan ang isang Ninoy.

Kailangan natin ng isang milyong Ninoy na tatayo, magbubuwis ng kinabukasan at susuong sa bukid ng pakikibaka hindi alang-alang sa kanilang sarili, kundi alang-alang sa kanilang mga anak, mga apo at mga magulang.

Ang naging laban ni Ninoy noon, laban mo rin ngayon.

Keine Kommentare:

Kommentar veröffentlichen